Nag-aalala ka ba dahil hindi ka pa rin dinadatnan sa buwan na ito? Maraming dahilan kung bakit nadedelay ang menstruation ng babae. Maaring sanhi lamang ito ng karaniwang hormonal imbalances ngunit, maaring dahil din sa isang malubhang medikal na kondisyon.

May dalawang yugto sa buhay ng babae kung saan normal lamang ang ma-delay: ito ay kapag nagsimula pa lang siyang magkaroon ng dalaw at ang pangalawa naman ay kapag malapit na siyang mag-menopause. Habang ang katawan ng babae ay sumasailalim sa mga pagbabagong tulad nito ay karaniwan lamang magkaroon ng iregular na cycle.

Ang menstrual cycle ay tumatagal ng 28 araw. Ngunit, maari din itong maiba mula 21 hanggang 35 na araw. Kung ang iyong dalaw ay mas maikli o mas mahaba sa mga araw na ito, mahalagang maging alerto upang malaman ang sanhi nito.

Ano-ano ang dahilan kung bakit nadedelay ang menstruation?

Ang matinding stress, malabis na katabaan at pagkakaroon ng mga sakit may kaugnayan sa matris ay siyang pangunahing mga dahilan kung bakit nadedelay ang iyong menstruation kahit hindi ka naman buntis.

Stress – Ang Stress ay nakapagpapabago sa lebel ng iyong hormones. Sa katunayan, naapektuhan din nito ang bahagi ng iyong utak na siyang nagko-kontrol sa iyong regla – ang hypothalamus. Sa katagalan, ang matinding stress ay maaring mauwi sa karamdaman, biglaang pagpayat o pagtaba, at sa kabuuhan ay sadyang makakaapekto upang madelay ang iyong mens. Kung sa tingin mo ay stress ang dahilan kung bakit ka nade-delay, subukan ang iba’t ibang relaxation techniques at magkaroon ng mas aktibong na lifestyle.

Masyadong Mababang timbang – Ang mga babaeng may eating disorders gaya ng anorexia nervosa o bulimia ay maaring makaranas ng delay na dalaw. Kung ikaw ay tumitimbang ng 10 porsyentong mas mababa sa normal na itinakda para sa iyong laki ay maaring tumigil ang ovulation ng iyong katawan. Magpatingin sa isang espesyalista upang mawala ang eating disorder at para manumbalik ang tamang timbang. Ang mga babaeng madalas sumasali sa matitinding isports gaya ng marathons ay maari din na magkaroon ng delay na dalaw.

Labis na katabaan o Obesity – Kung ang masyadong mababang timbang ay nakakaapekto sa hormones ng katawan, ay gayun din ang labis na katabaan. Ang iyong doktor ay magre-rekomenda ng diet at exercise plan kung kanilang masusuri na obesity ang isang dahilan kung bakit nadedelay ang menstruation mo.

Polycystic ovary syndrome (PCOS) – isa itong kondisyon kung saan ang katawan ay gumagawa ng mas maraming male hormone na androgen. Dahil dito, unti-unting may nabubuong cyst sa obaryo na nagiging sanhi upang ma-delay o hindi kaya’t tuluyang hindi magkaroon ng dalaw. Ang iba pang hormones gaya ng insulin ay nakakaapekto rin. Ito ay dahil sa insulin resistance na kaugnay ng PCOS. Ang mga gamot para sa PCOS ay naka-pokus upang unti-unting mawala ang mga sintomas na kasama nito. Maaring mag-rekomenda ang iyong doktor ng birth control at iba pang gamot upang bumalik sa normal na buwan-buwan ang iyong dalaw.

Birth Control – Maari kang makaranas ng mga pagbabago sa iyong siklo kapag ikaw ay gumagamit ng mga contraceptives. Ang mga Birth control pills ay naglalaman ng mga hormones na estrogen at progestin na pumipigil sa iyong obaryo sa paggawa ng itlog. Posibleng tumagal ng anim na buwan ang kailangang hintayin bago manumbalik ang regular na dalaw pagkatapos tumigil sa pag-inom nito. Ang ilan pang uri ng contraceptives gaya ng mga implants ay maaring dahilan din kung bakit nadedelay ang menstruation.

Ano-ano ang mga home-remedy para magka-regla?

Ang mga sumusunod ay ang mga home remedies na maaari mong gamitin bilang gamot sa nadedelay na regla. Tandaan lamang na kailangan mong makatiyak na hindi ka buntis bago ka uminom ng anuman.

Luya – Ang luya ay isang traditional na remedy para reglahin. Pinaniniwalaan na ito ay nakakatulong upang mag-contract ang matris ng babae. Bagama’t hindi pa sapat ang ebidensiya sa paniniwalang ito, marami pa ring kababaihan ang nagsasabing epektibo ang luya para magkaroon ng regla. Hindi masarap kainin ng sariwang luya kaya, ang pinakamadaling paraan ay ang paggawa ng ginger tea. Para makagawa nito, pakuluan ang binalatan at hiniwang luya sa tubig sa loob ng lima hanggang pitong minuto. Salain ito at maglagay ng honey o asukal bago inumin.

Turmeric – Ang turmeric ay isa pang home-remedy para magka-regla. Ang nilalaman ng turmeric ay nakaka-apekto raw sa estrogen at progensterone levels ng katawan. Ngunit, dagdag pa pag-aaral ang kailangan upang mapatunayan ito. Maraming paraan upang idagdag ang turmeric sa iyong pangaraw-araw na diet. Maaring gawin itong curry, ilagay sa bigas at gulay, o hindi kaya’y ilagay ito sa mainit na tubig at gawing tsaa.

Vitamin C – Bagama’t kaunti lamang ang ebidensiyang sumusuporta na ang vitamin C ay nakakatulong para magka-regla, may ilan pa rin ang naniniwala na maasahan itong gamot sa pamparegla.

Ang Vitamin C ay nakakatulong upang mas mapataas ang estrogen levels ng katawan at mapababa naman ang progesterone. Dahil dito, magsisimulang mag-contract ang matris at unti-unting lalabas ang lining nito dahilan upang magkaroon ng menstruation.