Ang hindi pagkakaroon ng buwanang dalaw ang pangunahing senyales ng pagbubuntis, subali’t paano malalaman kung buntis ang irregular na babae? Kung ikaw ay may irregular period, mas mahirap na malaman kung ikaw ba ay buntis o sadyang hindi ka lang dinatnan.

Ang iregular o abnormal na ovulation ang bumubuo sa 30% hanggang 40% na kaso ng pagkabaog. Kung hindi regular ang iyong dalaw, nakakaranas ng pagdurugo, o di kaya’y tuluyang walang regla, nangangahugan itong hindi nago-ovulation ang iyong katawan. Ang kondisyong ito ay tinatawag na anovulation.

Bagama’t ang anovulation ay nagagamot ng fertility drugs, mahalaga pa rin na magpatingin sa doktor upang malaman kung may iba pa bang kondisyon na nakakapekto sa iyong ovulation gaya ng problema sa thyroid at mga abnormalities sa adrenal at pituitary glands.

Ano ang paunang senyales ng pagbubuntis?

  • Hindi niregla – Kapag huli ang iyong dalaw at ikaw ay nagtataka kung paano malalaman kung buntis ang irregular na babae, maari kang kumuha ng pregnancy test upang makumpirma ito.
  • Pananakit ng Puson – Walo hanggang sampung araw pagkatapos ng iyong ovulation, makakaramdam ka ng pananakit ng puson. Maaring makakita ka rin ng maliliit na spotting sa mga susunod na araw o linggo kung kelan mo inaasahan ang iyong dalaw. Ito’y dahil sa implantation bleeding kung saan ang fertilized na itlog ay dumikit na sa lining ng matris.
  • Pamamaga ng dibdib – May ilang babaeng nakakaramdam ng pamamaga sa kanilang dibdib sa mga unang linggo ng pagbubuntis. Ang balat sa paligid ng iyong utong ay posibleng magkaroon ng maliliit na bumps. Ang bumps na ito ay tinatawag na “Montgomery’s tubecules”. Ito’y naglalabas ng oily na fluid upang maihanda ang iyong utong sa pagpapa-suso.

Ano ang sanhi ng irregular period?

Maraming nakakaapekto sa ovulation ng babae, dahilan upang siya ay magkaroon ng irregular menstruation at mahirapan kung paano malalaman kung buntis ang irregular na babae. Ang ilan sa mga ito ay ang sumusunod:

Polycystic ovary syndrome (PCOS) – Ang PCOS ay isa kondisyon kung saan ang katawan ng babae ay naglalabas ng sobrang daming androgens. Ang Androgens ay kilala sa tawag na “male” sex hormones. Pinipigilan nito ang itlog ng babae na mabuo at lumabas sa obaryo.

Perimenopause – Sa buong panahon ng reproductive life ng babae, unti-unting bumababa ang bilang ng estrogen at progesterone sa kaniyang katawan habang siya ay ume-edad. Nagdudulot ito ng iregular na dalaw at sa katagalan ay tuluyan ng mawawala ang regla. Madalas ang perimenopause ay tumatagal ng hanggang apat na taon. Ito’y karaniwang nagsisimula sa edad na 47 taong gulang at umaabot hanggang 51 taong gulang.

Ang mga sintomas ng perimenopause ay:

  • Iregular na dalaw
  • Hot Flashes
  • Mabilis na pag-init ng ulo
  • Night Sweats

Problema sa Thyroid – Ang thyroid ay hugis paro-parong organ na matatagpuan sa ibabang bahagi ng leeg. Kinokontrol nito ang iba’t ibang hormones na nakakaapekto sa ovulation at menstruation. Ayon sa isang pag-aaral, 14 na porsyento ng mga dalagitang may problema sa thyroid ay mayroon ding iregular na dalaw.

Ang iba pang sintomas ng problema sa thyroid kasama na ang hyperthyroidism at hypothyroidism ay gaya ng:

  • Mabilis na pagbabago sa timbang
  • Abnormal na metabolic rate
  • Pagkahilo

Timbang – Ang pagiging sobrang taba o hindi kaya’y sobrang payat ay parehong nakakaapekto sa hormones ng katawan. Ayon sa ginawang pag-aaral ng BMC Women’s Health, ang mga babaeng may body mass index (BMI) ng mas mababa sa 20 o kaya ay mas mataas sa 25 ay humigit kumulang 1.1 porsyentong mas mataas ang posibilidad na magkaroon ng irregular period kumpara sa mga babaeng may normal na BMI sa pagitan ng 20 hanggang 25.

Stress – Maraming epekto ang stress sa katawan, kabilang na sa ovulation. Batay sa isang pag-aaral na ginawa sa mga estudyante ng medisina, napag-alaman na mas mataas ang posibilidad na magkaroon ng iregular na dalaw ang mga estudyanteng nagsasabi na sila ay nakakaramdam ng matinding stress kumpara sa mga hindi masyadong nakakaraman nito.

Paano mabuntis ang irregular na babae?

Kapag nakumpirma na ng iyong doktor na ang irregular period mo ay hindi sanhi ng iba pang medikal na kondisyon, maari siyang magreseta ng mga fertility drugs na makakatulong sa iyong ovulation.

Ang mga gamot na mayroong Clomid at Serophene (clomiphene) ang unang inirerekomenda ng mga doktor dahil ito ay epektibo at subok na sa loob ng maraming taon. Kumpara sa ibang infertility drugs, ang Clomid at Serophene ay iniinom orally at hindi na kailangan pang i-injection. Nakakatulong ang gamot na ito upang mas bumalik sa normal ang iyong ovulation dahilan upang tumaas ang bilang ng itlog na ginagawa ng iyong obaryo.