Kinakabahan ka ba kung delayed ka lang o buntis na? Maraming dahilan kung bakit nade-delay ang babae sa kaniyang dalaw at hindi lamang pagbubuntis ang tanging dahilan nito. Maaring ito ay dahil lamang sa simpleng hormonal imbalances na nangyayari sa iyong katawan o hindi kaya’y maaring dahil sa isang medikal na kondisyon.

Kung hinahanap mo ang kasagutan kung paano malalaman kung delay ka ba o buntis na pala, basahin mo ang article na ito.

Delayed Period lang ba o Buntis na ako?

Maraming babae ang nalilito kung sila ba ay buntis o sadyang delayed lang ang kanilang dalaw para sa buwan na ito. Ang mga karaniwang sintomas ng delayed period gaya ng pababago-bagong emosyon, masakit na likod, mas madalas na pag-ihi, at pamamaga ng dibdib ay katulad na katulad din ng mga sintomas para sa maagang pagbubuntis.

Kaya, paano malalaman kung delay ka? Buti na lamang ay may iba pang mga sintomas na nangyayari lamang sa mga buntis.

Para masigurado ito, ang tanging paraan lamang ay ang paggamit ng pregnancy test kit. Ang mga pregnancy test kits ay mabibili kahit walang reseta ng doktor sa mga botika at kahit maging sa mga supermarket.

Ano ang pinagkaiba ng Delayed Period sa Pagbubuntis?

Mayroong mga sintomas ng pagbubuntis na dapat mong bantayan dahil ito ay natatangi mula sa iregular na dalaw.

Ito ay gaya ng mga sumusunod:

  • Kaunting pagdurugo o spotting: Ang spotting ay madalas nagaganap sa mga unang bahagi ng pagbubuntis kung saan ang embrayo ay dumidikit sa matris. Tinatawag itong implantation bleeding. Hindi ito katulad ng regla dahil ang spotting ay hindi sapat upang makapuno ng isang napkin o tampon.
  • Mabilis na pagkapagod: Maraming babae ang nakakaramdam ng mabilis na pagkapagod sa mga unang bahagi ng pagbubuntis. Bagama’t ito rin ay sintomas ng delayed na dalaw, mas matindi at matagal ang pagod na nararamdaman ng mga babaeng buntis kumpara sa mga delayed lamang.
  • Pagkatakam sa mga kakaibang pagkain: Nagugulat ka ba dahil bigla mong gustong kumain ng mga pagkain na dati’y hindi mo naman kinakain? Maraming babae ang natatakam sa kung ano-anong pagkain kapag sila ay buntis. Ito ay dahil sa pabago-bagong hormone level sa kanilang katawan.
  • Pagkaduwal at pagsusuka: Ang pagkaduwal at pagsusuka ay mas karaniwang sintomas ng maagang pagbubuntis. Kaya, kung nakakaranas ka ng ganitong mga sintomas, isa itong epektibong paraan kung paano malalaman kung delay ka o sa malamang ay sadyang buntis ka.
  • Pananakit ng Puson: Ang matinding pananakit ng puson ay maaring maramdaman ng babae bago o habang siya ay may dalaw. Parehong karaniwan ang sintomas na ito para sa mga babaeng delayed at buntis. Ang pinagkaiba ay mas matindi ang pananakit ng delayed na dalaw kumpara sa pagbubuntis.

Ano ang dahilan bakit nade-delay ang period?

Ang karaniwang haba ng menstrual cycle ng isang babae ay 28 araw ngunit, iba-iba pa rin depende sa indibidwal. Ang iregular na menstruation ay nagaganap kung ang haba ng cycle ay umaabot ng 35 araw o higit pa.

Ang pagkakaroon ng delayed period ay nakakabahala lalo na sa mga babaeng hindi inaasahan ang pagbubuntis. Subali’t marami pang ibang rason kung bakit nade-delay ang period ng babae. Tulad ng mga sumusunod:

  1. Stress – Ang matinding stress ay nakakaapekto sa menstrual cycle ng babae. Maari nitong mas pahabain, paikliin, o kaya’y pansamantalang alisin ang regla. Ang ilang babae ay nagsasabi na mas nagiging masakit ang kanilang dalaw kung sila ay nakakaranas ng stress. Iwasan mo ang mga sitwasyon na nagdudulot nito, aktibong mag-ehersisyo, at magkaroon ng sapat na oras ng tulog upang mabawasan ang stress at mapanatili ang regular na menstrual cycle.
  2. Perimenopause – Ang pabago-bagong lebel ng estrogen sa katawan ay may epekto sa cycle ng babae. Karaniwan para sa mga babaeng nasa yugto ng perimenopause ang makaranas ng iregular na dalaw. Kapag hindi ka na dinatnan sa loob ng 12 buwan, ganap ka ng menopause.
  3. Pagbaba ng timbang – Ang mabilis na pagbaba ng timbang na maaring dulot ng matinding ehersisyo ay maaring maging sanhi upang hindi datnan ng regla ang babae. Ang pagiging sobrang payat ay nagpapababa sa hormones ng katawan dahilan upang hindi magkaroon ng ovulation.
  4. Matinding katabaan – Ang pagiging ubod ng taba at delayed period ay maaring senyales ng isang medikal na kondisyon gaya polycystic ovary syndrome (PCOS) kaya, mahalaga para sa isang babaeng obese na magpatingin sa doktor kapag siya ay delayed.
  5. Paggamit ng birth control – Ang ilang uri ng contraceptives lalo na ang nakakaapekto sa hormones ng babae ay maaring magresulta sa delayed na period. Madalas inaabot ng anim na buwan o higit pa bago bumalik ang regular na dalaw matapos ka uminom ng mga pills.