Upang malaman ang sagot kung ikaw ba ay buntis o hindi ay maaring maging madali o mahirap depende kung gaano mo kakilala ang iyong katawan. Maraming mga babae ang nakakapansin na sila ay buntis paglipas ng dalawa o tatlong linggo ngunit, may ilan na inaabot lamang ng ilang araw.

Ang sagot sa tanong kung ilang araw bago malaman na buntis ka ay nakadepende sa abilidad mo na maramdaman ang mga pagbabago sa iyong katawan at kung gaano ka ka-sensitibo dito.

Ngunit, syempre, masisigurado mo na ikaw nga ay buntis kung hindi ka dinatnan ng dalaw at nagsagawa ng pregnancy test. Paalala nga lang na huwag magmadali sa pagkuha ng pregnancy test dahil posible ka makakuha ng maling resulta.

Paano malalaman kung buntis ka?

Maari kang maghinala na ikaw ay buntis kung hindi ka dinatnan ng regla para sa buwan na ito o hindi kaya’y nakakaranas ka ng iba’t ibang sintomas ng pagbubuntis.

Kung regular ang iyong dalaw at delayed ka na ng higit sa isang linggo, posible nga na ikaw ay buntis. Subali’t paano naman kung iregular ang iyong dalaw? Narito ang iba pang sintomas na kailangan mo bantayan:

  • Pagbabago sa itsura ng dibdib
  • Bloated na tiyan
  • Mabilis mapagod
  • Pagduduwal/Pagsusuka
  • Madalas na pag-ihi
  • Masakit na ulo o likod
  • Hinihimatay
  • Hirap maglabas ng dumi
  • Kaunting pagdurugo o spotting
  • Pagiging mas emosyonal
  • Heart burn
  • Leg cramps

Ano ang pregnancy test kit?

Kapag buntis ang babae, gumagawa ang katawan ng isang hormone na tinatawag na human chorionic gonadotrophin (hCG). Ito ay dumadaloy sa dugo at makikita rin sa ihi. Gamit ang pregnancy test kit, malalaman kung may presensya ba ng hCG sa iyong ihi.

Ang ilang pregnancy tests kits ay mas sensitibo kumpara sa iba, ito’y may kakayahan na ma-detect ang hCG pagsapit ng ika-apat hanggang ikalimang linggo ng pagbubuntis. Nangangahulugan ito na para sa mga babaeng may regulaw na dalaw, posible ng maging positibo agad ang resulta pagkalipas lamang ng ilang araw na ikaw ay hindi datnan.

Bagama’t karamihan sa mabibiling over-the-counter pregnancy tests ay gumagana sa pamamagitan ng pagsusukat sa lebel ng hCG sa ihi, mahalaga pa rin na basahin at unawain mong maigi ang nakalagay na impormasyon kung paano ito gamitin dahil ang paraan ng paggamit nito ay iba-iba depende sa binili mong pregnancy test kit.

Mayroong makikitang indicator sa mga pregnancy test kit na magpapakita kung ikaw ba ay buntis o hindi. Halimbawa, ang ilang kit ay magpapakita ng dalawang linya kung positive na ikaw ay buntis at isang linya naman kung negative.

Ano ang iba’t ibang uri ng pregnancy test?

May dalawang uri ng pregnancy tests na dapat mong malaman kung ikaw ay buntis: urine tests at blood tests.

  • Ang Urine tests ay maaring gawin sa bahay o sa clinic. May ilang home pregnancy test kits na kayang ma-detect ang hCG sa mismong araw na hindi ka datnan ng regla ngunit, kadalasan ay kailangan munang maghintay ng ilang araw bago malaman na buntis ka. Ito ang madalas ginagamit na paraan ng pregnancy test dahil ito’y madaling gamitin at nakapagbibigay rin ng privacy sa babae. Ang mga produktong gaya nito ay may kasamang impormasyon kung paano ito gagamitin. Basahin itong maigi upang magkakuha ng eksaktong resulta. Pagkatapos ng pagsusulit, maari kang pumunta sa iyong doktor upang mas lalo pang makumpirma ito.
  • Ang blood tests ay isinasagawa lamang sa mga clinic at mas bihirang gamitin kumpara sa mga urine tests. Ang mga pagsusulit na ito ay may kakayahang kumpirmahin ang iyong pagbubuntis ng mas maaga kumpara sa mga mabibiling home pregnancy test kit. Sa loob lamang ng anim hanggang walong araw pagkatapos ng ovulation ay posible ng malaman kung ikaw ay buntis. Ang problema nga lang sa ganitong uri ng pagsusulit ay ito ay mas mahal at maaring abutin ng ilang araw bago makuha ang resulta.

Gaano katagal ang dapat hintayin bago gumamit ng pregnancy test kit?

Kailangan mo maghintay ng kahit isang linggo pagkatapos na hindi ka datnan ng regla upang makakuha ng tumpak na resulta.

Kung hindi ka na makapaghintay hanggang sa inaasahang petsa ng iyong dalaw, kailangan mo maghintay ng isa hanggang dalawang linggo pagkatapos mo makapagtalik. Kung ikaw ay tunay ngang buntis, kailangan ng iyong katawan na makagawa ng sapat na bilang ng hCG upang ma-detect ito ng mga pregnancy test.

Ito ay maaring abutin ng ilang araw bago malaman na buntis ka. Madalas ito ay inaabot ng mula pito hanggang labingdalawang araw pagkatapos na matagumpay na maitanim ang fertilized na itlog sa iyong matris.

Tandaan na maari kang makakuhang ng maling resulta kung masyadong maaga pa lamang ay magsagawa ka na ng pregnancy test.