Ang pananakit ng puson ay maaring maganap bago at habang nireregla. Para sa ilang babae na may matinding menstrual cramps, ito ay nangangailangan ng painkiller o hindi kaya’y hormonal treatment. Ang pananakit na puson ay resulta ng pag-contract ng matris.

Isa itong natural na proseso kung saan inilalabas ng matris ang dagdag na laman sa pader nito(endometrium) dahilan upang magkaroon ng pagdurugo.

Ngunit, paano kung masakit ang puson kahit walang menstruation? Sa ilang mga sitwasyon, may ibang babae ang nakakaranas ng “phantom” o “ghost” period kung saan sila ay nakakaranas ng mga senyales ng pagdurugo ngunit, wala namang aktwal na lumalabas na dugo.

Ang unang tanong na dapat mong sagutin ay kung buntis ka ba? Dahil sa mga unang bahagi ng pagbubuntis, karaniwan lamang ang makaramdam ng pananakit sa puson ngunit, walang kasamang anumang pagdurugo. Ang simpleng pregnancy test na mabibili over-the-counter ay makakatulong upang makumpirma ang pagbubuntis.

Ano ang sanhi kung bakit masakit ang puson kahit walang menstruation?

Ang pagbubuntis,delayed na regla, pagmemenopause, IBS at mga sakit na may kaugnayan sa matris ay mga dahilan kung bakit masakit ang puson mo kahit wala ka namang regla.

Pagbubuntis – Masakit ang puson ngunit, wala namang dugo? Buntis ba ko? Ito ang madalasan na dahilan kung bakit nade-delay ang buwanang dalaw ng babae. Ang pananakit ng puson ay isang paunang indikasyon ng pagbubuntis. Maari mo itong maramdaman kapag dumikit ang fertilized na itlog sa pader na iyong matris. Kapag nangyari iyon, makakaramdam ka ng bahagyang cramping o implantation pain na maaring tumagal ng tatlo hanggang apat na linggo.

Delayed na Regla – ang masakit ang puson kahit walang menstruation ay maaring dahil lamang sa delayed na regla. Ang pananakit ng puson ay maaring resulta ng ovulation (paglabas ng itlog mula sa obaryo). Ang ovulation ay madalas tumatagal ng 10 hanggang 15 araw bago ang mismong araw ng regla. Kapag mas mahaba ang itinagal ng ovulation, magiging delayed ang regla. Ang ilang babae naman ay sadyang nagkamali lamang sa pagkalkula ng kanilang dalaw dahilan upang sila ay mangamba ng walang dahilan.

Menopause – ang menopause ay tumutukoy sa pagtatapos ng regla ng babae. Madalas ito ay nagaganap pagtungtong ng edad na 50 taong gulang. Sa ilang pagkakataon, ang pananakit ng puson bago ang menopause ay pangkaraniwan lamang dahil sa mga pagbabago sa menstrual cycle.

Inflammatory Bowel Disease – Ang iba’t ibang Inflammatory Bowel Diseases (IBD) gaya ng Crohn’s disease at Ulcerative colitis ay maaring siyang dahilan kung bakit masakit ang puson kahit walang dalaw. Ang Ulcerative colitis ay isang uri ng sakit sa bituka samantalang ang Crohn’s disease naman ay nakakaapekto sa lining ng digestive tract. Ang IBD ay kadalasang may kasama pang ibang sintomas gaya ng pamamaga, pamumula, iritasyon, at pananakit sa iba pang bahagi ng digestive system tulad ng bibig, tiyan, esophagus, at mga bituka. Sa kaso ng Crohn’s disease, ang pananakit ay madalas na mararamdaman sa ibabang kanang bahagi ng sikmura. Samantalang nasa ibabang kaliwang bahagi naman ang para sa Ulcerative colitis.

Ovarian Cyst – Ang Ovarian cyst ay tumutukoy sa maliliit na tumor na may lamang tubig na tumutubo sa obaryo ng babae. Isa pa itong posibleng dahilan kung bakit masakit ang puso kahit walang menstruation. Madalas, hindi nakakabahala ang pagkakaroon ng ovarian cyst at wala itong pinapakitang anomang sintomas. Ngunit, paminsan-minsan ay makakaramdam ng pananakit lalo na kapag lumalaki ang cyst.

Masakit ang Puson Kahit Walang Menstruation: Buntis ba ako?

Ang pananakit ng puson ay madalas na pangunahing senyales ng pagbubuntis. Kapag dumikit and embrayo sa pader ng matris, mga 6 hanggang 12 araw pagkatapos ng conception, ang babae ay maaring makaramdam ng kaunting pagdurugo o spotting. Maari ring magkaroon ng bahagyang cramps.

Ang iba pang sensyales ng pagbubuntis ay ang mga sumusunod:

  • Pagkaduwal o Morning Sickness
  • Pamamaga ng dibdib
  • Mabilis na pagkapagod
  • Masakit na ulo
  • Mas madalas na pag-ihi
  • Pagtatakam sa pagkain
  • Mas malakas na pang-amoy
  • Mas maitim na utong
  • Pabago-bagong emosyon o mood swings

Ano ang gamot sa pananakit ng puson?

Ang pag-inom ng over the counter na mga gamot laban sa sakit ay ang siyang pangunahing paraan bilang gamot sa pananakit ng puson.

Pain relievers – Ang mga over-the-counter pain relievers, gaya as ibuprofen (Advil, Motrin IB) at naproxen sodium (Aleve) ay nakakatulong para makontrol at mabawasan ang pananakit ng puson. Maari rin uminom ng mga inireresetang gamot gaya ng nonsteroidal anti-inflammatory drugs.

Mga Hormonal birth control – ng pag-inom ng oral birth control pills at paggamit ng iba pang uri ng contraceptives ay pumipigil sa ovulation ng katawan at nagpapahina sa sakit na dulot ng menstrual cramps.

Operasyon – Kung ang pananakit ng puson ay sanhi ng isang kondisyon gaya ng endometriosis, nangangailangan sumailalim sa operasyon upang maayos ito.

Kailan dapat magpakonsulta sa doktor kapag masakit ang puson?

Magpatingin agad sa doktor o kaya’y pumunta sa emergency department ng pinakamalapit ng ospital kapag nakaranas ka ng mga abnormal na sintomas tulad ng:

  • Pananakit ng Puson na tumatagal ng ilang oras
  • Pagsusuka ng dugo
  • Naghahabol ng hininga
  • Dugo sa dumi o ihi
  • Pananakit na kumakalat sa dibdib, leeg, at braso
  • Lagnat at matinding pagpapawis