Madalas na nalalaman ng mga babae na sila ay buntis kapag sila ay aktibo sa pakikipagtalik at isang buwan nang hindi dinatnan.

Ang pagduduwal, pamamaga ng dibdib, at matinding pagod ay ilan din sa karaniwang sintomas ng pagbubuntis. Bagama’t maaring makaramdam ng mga pagbabago sa katawan, tanging ultrasound lamang at pregnancy tests ang tiyak na paraan para malaman kung buntis ang isang babae.

Kapag ikaw ay sasailalim sa ultrasound, malalaman ng doktor ang tiyak na panahon kung gaano katagal ka ng buntis. Maari din itong tantiyahin ng doktor kahit hindi ka magpa-ultrasound. Mahalagang magpatingin agad sa doktor kapag hindi dinatnan ng regla dahil may mga impormasyon na hindi maibibigay ng simpleng pregnancy test lamang.

Maari din naman kalkulahin ng isang babae kung ilang linggo na siyang buntis. Ang paraan kung paano malalaman kung buntis ang isang babae ay sa pamamagitan ng pagbibilang kung kelan ang araw na huling beses siyang niregla hanggang sa kasalukuyan.

Kailan magsisimula ang mga sintomas ng pagbubuntis?

Ang bawat babae ay may iba’t ibang menstrual cycle. Magkaiba ang panahong tinatagal nito, ang lakas ng pagdurugo, at ang araw ng ovulation. Kaya, hindi kataka-taka na iba-iba rin ang mga sintomas na nararamdam ng mga babae kapag sila ay buntis.

Kung sinsubukan mong mabuntis, maaring naghahanap ka ng mga pisikal na pagbabago sa iyong katawan. Mahalaga na nauunawaan mo ang pregnancy timeline ngunit, madalas ay nakakalito itong gamitin. Binibilang ng mga doktor ang unang araw ng iyong last menstrual period (LMP) upang malaman ang simula ng iyong pagbubuntis. Ito ang araw kung kelan nagsimula ang iyong regla kaya malinaw na sa mga panahon na ito ay hindi ka pa buntis at wala pang nararamdamang anomang sintomas.

Ngunit, kapag ikaw ay nabuntis, ang unang araw ng iyong last menstrual period ang siyang palatandaan nang simula nito. Ito ang ginagamit na batayan mga doktor dahil mas tiyak ito kumpara sa araw ng ovulation.

Sa kabuuhan, ang unang mga senyales ng pagbubuntis ay hindi nagsisimula hanggang sa dulong bahagi ng embryogenesis (panahon kung kelan nabuo at lumalaki ang embrayo), na karaniwang nangyayari sa ika-lima hanggang ika-walong linggo ng pagbubuntis, o kaya isa hanggang tatlong linggo matapos hindi ka datnan ng regla.

Kailan dapat mag-pregnancy test?

Inirerekomenda na maghintay ng dalawang linggo pagkatapos ng ovulation bago magsimulang mag-pregnancy test.

Isa ito sa maraming dahilan kung bakit mahalagang subaybayan ang iyong buwanang dalaw at tandaan ang araw kung kelan ka niregla. Bagama’t nakakakaba ang paghihintay, mas mahalaga na gawin mo ito para magkaroon ka ng tiyak na resulta kung paano malalaman kung buntis ka talaga.

Ano-ano ang mga sintomas ng pagbubuntis?

Narito ang tiyak na mga sintomas na tutulong saiyo kung paano malalaman kung buntis ka nga ba.

Spotting at Cramping – Pagkatapos ng conception, didikit ang fertilized na itlong sa pader ng matris sanhi upang magkaroon ng pagdurugo at kung minsan ay makaramdam pa ng pananakit. Isa ito sa mga unang sintomas na mararamdaman kung paano malalaman kung buntis ang isang babae. Ito ay tinatawag na implantation bleeding at nagaganap 6 hanggang 12 araw pagkatapos na magtagpo ang itlog ng babae at sperm ng lalaki. Ang cramps na mararamdaman ay maaring maihalintulad sa pagsakit ng puson na nararamdaman sa karaniwanag dalaw subalit, mapapansin na mas bahagya ang pagdurugo at pananakit nito.

Pagbabago sa itsura ng dibdib – Ang mga pagbabago sa dibdib ng babae ay malinaw na senyales ng pagbubuntis. Ang lebel ng hormones ng katawan ay mabilis na nagbabago pagkatapos ng araw ng conception. Dahil sa mga pagbabagong ito, mararamdaman ng babae na tila lumalaki, namamaga at tumitigas ang kaniyang dibdib. Ang lugar sa paligid ng utong na tinatawag na areola ay maaring umitim.

Ang ilan pa sa ibang sintomas ng pagbubuntis ay ang mga sumusunod:

Madalas na pag-ihi – Para sa karamihan ng mga babae, ito ay nagsisimula sa ika-anim hanggang ika-walong linggo pagkatapos ng conception. Bagama’t marami ang posibleng sanhi nito tulad ng urinary tract infection (UTI), diabetes, o dahil sa pag-inom ng gamot na nakaka-ihi (diuretics) ngunit, kung ikaw ay talagang buntis, ang mas madalas na pag-ihi ay dahil sa mataas na lebel ng hormone sa iyong katawan.

Constipation – Habang ikaw ay buntis, mas tumataas ang lebel ng progesterone sa iyong katawan na siyang nagiging dahilan upang ikaw ay mahirapan maglabas ng dumi. Mas pinapabagal ng Progesterone ang pagtunaw ng iyong mga kinain kaya ikaw ay nagiging constipated. Para mabawasan ang problemang ito, uminom ng maraming tubig, mag-ehersisyo, at kumain ng pagkaing mayaman sa fiber.

Mood swings – Ang mabilis at pabago-bagong emosyon ay karaniwan para sa mga buntis lalo na sa unang trimester. Ito ay dahil din sa hormone changes na nangyayari sa katawan ng isang buntis.