Natural lamang na makaramdam ng kaba kapag sumakit ang tiyan habang buntis dahil oo, bagama’t bihira, posible pa rin itong senyales ng pagkalaglag ng bata o miscarriage. Ngunit, kadalasan ang sintomas ng buntis pananakit ng tiyan ay karaniwan lamang at hindi dapat ikabahala.

Ang banayad na pananakit ng tiyan sa unang yugto ng pagbubuntis (unang labingdalawang linggo) ay madalas dahil sa paglaki ng matris, pagkabanat ng mga litid, at pabago-bagong hormones na nagdudulot ng constipation at kabag.

Maihahalintulad ang pananakit na ito sa pananakit na dulot ng buwanang dalaw. Wala kang dapat ikabahala kung banayad lamang ang sakit na dulot nito at nawawala naman kung ikaw ay magpapalit ng posisyon, magkakaroon ng sapat na pahinga, at maglalabas ng dumi o hangin.

Normal ba makaranas ng pananakit ng tiyan kapag buntis?

Oo, normal lang para sa mga buntis ang magkaroon ng kaunting pananakit sa kaliwang ibabang bahagi ng tiyan habang nasa unang yugto ng pagbubuntis. Subalit, ang matindi at tila matalim na pananakit ay kailangan bigyan ng agarang atensiyon.

Sa katunayan, ang banayad na pananakit sa ibabang bahagi ng tiyan na kung tawagin ay “round ligament pain” ay itinuturing na normal na sintomas para sa buong panahon ng pagbubuntis. Ang pananakit na nararamdaman mo ay isang indikasyon na ang iyong matris ay naghahanda na upang dalhin ang fetus para sa buong siyam na buwan ng pagbubuntis.

Ano ang dahilan ng pananakit ng tiyan sa unang trimester?

Habang ikaw ay nasa unang trimester, maari kang makaranas ng pananakit ng tiyan na dulot ng mga pagbabagong nangyayari sa loob ng iyong sinapupunan. Ang cramps na ito ay mailalarawan na tila may bumabatak sa gilid ng iyong tiyan.

Ito ay dahil sa paglaki ng iyong matris na nagdudulot upang ang mga sumusoportang litid at kalamanan ay mabatak. Ang sintomas ng buntis pananakit ng tiyan ay karaniwan lamang at maaring dulot ng iba pang kondisyon gaya ng kabag, constipation, at pakikipagtalik.

Ang mga babaeng sumailalim sa IVF treatment upang mabuntis ay maaring magkaroon ng kondisyon na tinatawag na Ovarian hyperstimulation syndrome (OHS) na nagdudulot ng pananakit ng tiyan. Ang pananakit na ito ay dahil nasobrahan sa stimulation ng gamot ang obaryo ng babae. Madalas, ito ay tumatagal lamang ng ilang linggo ngunit, kapag patuloy pa rin ang pananakit ay kailangan ng ipagbigay-alam sa doktor.

Bakit nagkakaroon ng pananakit ng tiyan sa ikalawang trimester?

Ang karaniwang dahilan ng pananakit ng tiyan sa ikalawang trimester ng pagbubuntis ay ang Round ligament pain.

Ito ay dahil sa pagkabanat ng dalawang malalaking litid na kumukonekta sa matris papuntang singit. Ang round ligament muscle ang siyang sumusuporta sa matris at kapag ito ay nabanat, makakaranas ka ng tila tinutusok na pakiramdam sa ibabang bahagi ng tiyan.

May ilang babae rin ang nagsasabing nararamdaman nila ito sa may bahagi ng hita at balakang.

Ang round ligament pain ay karaniwan lamang bahagi ng pagbubuntis at hindi nagdudulot ng anumang malubhang komplikasyon.

Ano ang sanhi ng pananakit ng tiyan sa ikatlong trimester?

Pagsapit sa ikatlong trimester, maraming buntis ang nakakaramdam ng pananakit sa iba’t ibang bahagi ng katawan kabilang na ang tiyan, likod, at balakang.

Bilang paghahanda sa panganganak, lumalambot ang mga connective tissue sa iyong katawan upang maging mas madali ang paglabas ng sanggol. Karamihan sa mga buntis ang nakakaranas ng pananakit sa kanilang balakang at ibabang bahagi ng likod dahil sa paglambot at pagkabanat ng mga connective tissues.

Ang sintomas ng buntis pananakit ng tiyan sa ikatlong trimester ay maaring dulot ng iba pang kondisyon tulad ng mga sumusunod:

  • Kabag at hirap sa pag-dumi – Ang kabag sa tiyan ng mga buntis ay karaniwang dulot ng mataas na lebel ng progesterone sa katawan. Habang dumarami ito ay mas bumabagal rin ang panunaw. Ang kabag at constipation ay maiiwasan sa pamamagitan ng pag-inom ng mas maraming tubig, madalas na page-ehersisyo, at pagkain ng mga fiber-rich foods.
  • Braxton-Hicks Contractions – Tinatawag din itong false contractions. Ang Braxton-Hicks Contractions ay iba sa totoong contractions na nararamdaman kapag nanganganak dahil ito ay mas mahina at nawawala kapag ikaw ay nagpalit ng posisyon. Madalas ito ay dahil sa dehydration kaya, uminom ng maraming tubig at magkaroon ng sapat na oras ng pahinga upang mabawasan ang kondisyong ito.

Ano ang mga senyales ng delikadong pananakit ng tiyan sa buntis?

Kung ikaw ay nakakaramdam ng mga sumusunod na senyales sa alinmang yugto ng iyong pagbubuntis, maaring ito ay indikasyon ng mas malalang komplikasyon.
Agad magpakonsulta sa doktor kung:

  • May kasamang dugo ang ihi
  • Matinding pagdurugo sa unang bahagi ng pagbubuntis
  • Nakakaranas ng apat na contractions sa loob ng isang araw
  • Matinding pananakit ng ulo
  • Madalas na pagsusuka na may kasamang lagnat