Maaring ikaw ay nasasabik at natutuwa ng malaman mo na ikaw ay buntis o hindi kaya’y maaring kinakabahan ka dahil sa paparating na malaking responsibilidad na kailangan mong gampanan. Kung ito ang una mong anak, maaring nagugulat ka sa dami ng mga bagay na kailangan mong alamin tungkol sa pagpapalaki ng isang anak.

Oo, totoong marami kang dapat malaman ngunit, may siyam na buwan ka upang mapaghandaan ito. Sa ngayon, mahalagang malaman mo muna ang mga sintomas ng pagbubuntis upang maunawaan mo ang mga pagbabagong nangyayari sa iyong katawan.

Ang pagbubuntis ay nahahati sa tatlong phases na kung tawagin ay trimester. Ang unang trimester (1-12 linggo) ang pinakamaselang yugto ng pagbubuntis dahil dito nabubuo ang pangunahing organs ng sanggol. Ang ikalawang trimester (12-24 linggo) ay nakatuon sa pagdagdag ng timbang at bigat ng bata. Ang pangatlo at panghuling trimester (24-40 linggo) ang siyang panahon kung kelan naghahanda ang katawan ng nanay sa panganganak.

Ano-ano ang maagang senyales ng pagbubuntis?

Ang pinakakaraniwang paunang senyales at sintomas ng pagbubuntis ay gaya ng mga sumusunod:

  • Hindi dinatnan ng dalaw: Kung regular ka ngunit, lumipas na ang ilang linggo mula sa petsa ng inaasahan mong simula ng iyong dalaw, maaring ikaw ay buntis. Subalit, hindi sapat na batayan ang sintomas na ito kung iregular naman ang iyong dalaw.
  • Pamamaga at Paglaki ng dibdib: Sa simula ng pagbubuntis, magkakaroon ng mga hormonal changes sa iyong katawan. Dahil dito, mas magiging sensitibo at tila namamaga ang iyong dibdib. Maari rin mangitim ang paligid ng iyong suso. Ang sintomas na ito ay unti-unti rin mababawasan pagkalipas ng ilang linggo kapag nakapag-adjust na ang iyong katawan.
  • Pagkaduwal na mayroon/walang kasamang pagsusuka: Kilala rin ito sa tawag na morning sickness ngunit, ito’y maaring mangyari umaga man o gabi. Madalas ang sintomas ito ay nagsisimula isang buwan pagkatapos mabuntis. Ngunit, may ilang babae na mas maaga ito naranasan. Hindi malinaw ang dahilan ng pagkaduwal habang buntis ngunit, maaring dahil ito sa pabago-bagong pregnancy hormones.
  • Mas madalas na pag-ihi: Maaring mapansin mo na mas madalas ang pangangailangan mong umihi kumpara sa karaniwan. Ito’y dahil mas tumataas ang bilang ng dugo sa katawan kapag buntis dahilan upang dumami rin ang dugo na pinoproseso ng iyong kidneys o bato na mauuwi sa iyong pantog.
  • Matinding pagod: Isa ito sa pinakakaraniwang sintomas na nararamdaman ng mga buntis. Ito’y dahil sa mataas na lebel ng progesterone sa katawan na dahilan upang ikaw ay mabilis mapagod at antukin.

Iba pang hindi halatang sintomas ng pagbubuntis:

  • Pabago-bagong emosyon: Ang biglaang pagbaha ng hormones sa katawan sa simula ng pagbubuntis ang siyang dahilan kung bakit kapansin-pansin mas emosyonal ang mga buntis. Karaniwan rin ang mga mood swings.
  • Malaking tiyan o bloating: Ang pabago-bagong hormones sa katawan ang siyang dahilan kung bakit nagiging bloated ang tiyan ng mga buntis. Maihahalintulad ito sa nararamdaman ng isang babae sa simula ng kaniyang dalaw.
  • Kaunting pagdurugo o spotting: Minsan, ang pagkakaroon ng maliliit na patak ng dugo ang siyang senyales ng pagsisimula ng pagbubuntis. Tinatawag itong implantation bleeding at ito’y nagaganap kapag ang fertilized na itlog ay dumikit sa pader ng matris sampu hanggang labing-apat na araw pagkatapos magtagpo ang itlog ng babae at sperm ng lalaki. Ang implantation bleeding ay madalas nangyayari sa mga panahon kung kelan mo inaasahan ang iyong dalaw. Subali’t hindi lahat ng babae ay nakakaranas nito.
  • Pagsakit ng puson: May ilang babae ang nakakaranas ng bahagyang pagsakit ng puson sa unang yugto ng pagbubuntis.
  • Hirap sa pagdumi o constipation: Ang hormone na progesterone ang siyang dahilan kung bakit bumabagal ang panunaw ng mga buntis na maaring mauwi sa constipation.
  • Food aversions: Kapag ikaw ay buntis, maaring mas maging sensitibo ka sa ilang amoy at mabago rin ang iyong panglasa. Gaya ng iba pang sintomas ng pagbubuntis, ito’y dahil rin sa pabago-bagong hormones sa iyong katawan.
  • Baradong ilong: Ang mataas na hormone levels at mataas na produksiyon ng dugo ay nagdudulot sa mga mucous membranes ng ilong na mamaga at manuyot. Dahil dito, makakaramdam ka ng barado o runny nose.

Paano malalaman kung buntis ang isang babae?

Bagama’t marami sa mga sintomas na ito ay nararanasan ng isang buntis, mayroon pa ring posibilidad na hindi ka talaga buntis kahit nararamdaman mo pa ang mga ito. Mahalagang bantayan mo ang mga sintomas na ito ngunit, tanging pregnancy test lamang ang may kakayang magkumpira kung buntis ang isang babae. Kapag nagpositibo ang iyong pregnancy test, pumunta agad sa doktor upang masimulan ang tamang prenatal care.

Ang maagang pagsisimula ng prenatal care ay nakakatulong upang masigurado ang kaligtasan mo at ng iyong sanggol.